Presko at komportable ang paglalakad ng mga pasahero sa connecting bridge ng LRT Line 2 Recto Station at LRT Line 1 Doroteo Jose Station dahil sa mga luntiang halaman na nagbibigay ng mas maaliwalas, malinis, at kaaya-ayang kapaligiran sa kanilang araw-araw na biyahe.
Sa pangunguna ng General Services Division sa ilalim ng pangangasiwa ni GSD Manager Pepito Aranzaso, regular ang maintenance ng mga tauhan ng LRTA sa mga halaman sa connecting bridge. Isinagawa ang proyektong ito kasunod ng insidente ng sunog na nakaapekto sa ilang bahagi ng nasabing tulay, kasabay ng pagpapalit ng roofing system ng Recto Link Bridge na nagsimula noong Mayo 29, 2023.
Bilang bahagi rin ng proyekto, nagsasagawa naman ng replanting activities sa depot ng LRT Line 2 para sa maaliwalas at malinis na kapaligiran ng mga kawani, gayundin upang masiguro ang maayos at kaaya-ayang lugar ng trabaho.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, nanatili ang pangako ng LRTA sa pagbibigay ng ligtas at maaasahan na serbisyo para sa mga pasahero ng LRT Line 2.





